Kinumpirma ng City of San Jose del Monte, Bulacan – City Health Office ngayong araw, June 19, 2025, na nakapagtala ang lungsod ng dalawang kaso ng MPOX.
Ayon sa City Health Office, mild na sintomas lamang kagaya ng skin rashes ang nakuha ng dalawa na maaari raw nakuha sa pakikisalamuha sa mga aktibidad sa lungsod.
Bagama’t fully recovered na ang dalawang pasyente, patuloy pa rin silang mino-monitor kasabay ng pagsasagawa ng contact tracing upang maiwasan pa ang pagkalat ng virus.
Agad namang naglabas si Bulacan Governor Daniel Fernando ng utos sa bawat bayan at lungsod sa Bulacan na maghanda ng Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) at palagiang obserbahan ang kalinisan sa paligid.
Dagdag pa niya, walang dapat ikabahala at hindi kinakailangan na magpatupad ng lockdown dahil gumagawa na ng aksyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng MPOX.
“Wala po tayong dapat ikabahala, ginagawa po ng ating Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng mga aksyon na kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang mga Bulakenyo mula sa banta ng Mpox,” ani Fernando.
Dagdag pa rito, patuloy ang paalala ng mga eksperto na ugaliing maghugas ng kamay, umiwas sa matataong lugar, at mag-isolate sa loob ng 21 na araw kung may nararamdaman ng sintomas ng sakit. Ι via Florence Alfonso | Photo via World Health Organization
#D8TVNews #D8TV