DUTERTE, HUMILING NG INTERIM RELEASE MULA SA ICC

Isang bansang kasapi ng Rome Statute, nais siyang tumanggap

Humiling ng pansamantalang paglaya si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa pagkakapiit sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa dokumentong inihain noong Hunyo 12, sinabi ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman na may isang bansang kasapi ng Rome Statute ang nagpahayag ng kahandaang tanggapin si Duterte sa kanilang teritoryo, kahit hindi pa ito pinapangalanan.

Ayon sa petisyon, hindi umano flight risk si Duterte at hindi rin kailangan ng patuloy na kustodiya para masiguro ang kanyang pagharap sa korte. Giit ng depensa, hindi na siya aktibong opisyal ng pamahalaan at wala na sa Pilipinas — kaya hindi na siya banta sa integridad ng imbestigasyon o sa posibilidad ng patuloy na paglabag sa batas.

Sa tala ng ICC, posibleng kabilang sa mga bansang maaaring tumanggap sa kanya ay ang mga may kasunduan sa korte tulad ng Austria, Belgium, France, Norway, at United Kingdom, na kilala sa pagtanggap ng mga akusado para sa pansamantalang pananatili sa ilalim ng mahigpit na kondisyon.

Dagdag pa rito, ipinunto ni Kaufman na hindi tumutol ang prosekusyon sa hiling na interim release, basta’t masunod ang mga itinakdang kondisyon ng korte. “There is more than good reason to believe that Mr. Duterte would not embarrass his hosts,” ayon sa dokumento.

Sa ngayon, nananatili si Duterte sa ICC Detention Centre sa Scheveningen, The Hague, mula pa noong Marso. Inaasahang maglalabas ng desisyon ang Pre-Trial Chamber I matapos matanggap ang mga obserbasyon ng mga biktima at ng prosekusyon.

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *