Ilang benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng DSWD sa Tondo, Maynila ang nagpahayag ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa programang laban sa gutom ng gobyerno, na anila’y tunay na epektibo at nakapagpapabago ng buhay.
Isa sa kanila si Edwin Jimeno, isang mangangalakal na dating umaasa lang sa pagpag para may makain ang kanyang pamilya. Nang mapasama sa WGP, maluha-luha niyang inalala ang una nilang kainan ng masustansya at malinis na pagkain: “Sabi ko, ito na siguro ang pagkakataon namin.”
Kasama niya sa forum sina Salve Pascubillo, Maritess Pederico, at Vilma Lopez—isang inang may 13 anak—na parehong nagsabing malaking tulong ang WGP sa kanilang pang-araw-araw na laban sa gutom.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, ang WGP ay nagbibigay ng ₱3,000 food credit kada buwan sa mga kwalipikadong low-income households. Ginagamit ito sa mga accredited tindahan at Kadiwa ng Pangulo outlets para makabili ng masustansyang pagkain.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Baldr Bringas, bumaba ang bilang ng mga nakakaranas ng matinding gutom base sa SWS survey, patunay daw na “may direksyon at epekto” ang programa.
Inanunsyo rin ng DSWD ang pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture para sa pilot test ng ₱20/kilo rice para sa mga WGP benepisyaryo sa NCR ngayong Hunyo.
Sa kasalukuyan, 300,000 households na ang sakop ng WGP, at target itong palawakin sa 750,000 pagsapit ng 2027.
“Hindi lang ayuda, kundi pag-asa!” – iyan ang sigaw ng WGP sa mga Pilipinong minsan nang ginutom. | via Lorencris Siarez | Photo Courtesy of DSWD
#D8TVNews #D8TV