BAGUIO CITY – Puspusan ang paghahanda ng lungsod para sa isang mataong weekend kasabay ng pagdiriwang ng Panagbenga Festival. Magsisimula ang selebrasyon sa Baguio Country Club (BCC) parade sa Biyernes, bilang bahagi ng kanilang ika-120 anibersaryo.
Inaasahan ang dagsa ng turista kaya’t naghanda na ang mga awtoridad ng alternatibong ruta upang mapagaan ang daloy ng trapiko. Kasabay nito, nagbabala ang mga opisyal laban sa mga scammers na nag-aalok ng pekeng booth slots sa Session Road in Bloom bazaar at overbooked o pekeng hotel accommodations. Pinapayuhan ang mga bisita na sumangguni lamang sa akreditadong listahan ng Department of Tourism at Baguio LGU para sa ligtas na pananatili.
Upang mapanatili ang kaayusan, inilunsad ng Baguio City Police Office (BCPO) ang “BCPOviewBaguio” app, na nagbibigay ng gabay sa ligtas na tirahan at regulasyon ng lungsod.
Samantala, inaasahang mas malaking Grand Float Parade ang magaganap sa Linggo, kung saan nadagdagan ang bilang ng mga kalahok mula 33 noong 2024 sa 42 ngayong taon. Magkakaroon din ng mga sorpresa mula sa mga sikat na personalidad.
Ngayong taon ipagdiriwang ang ika-30 taon ng selebrasyon ng Panagbenga. – via Allan Ortega
Bilang ng mga turista sa Baguio Panagbenga 2025, inaasahang mas darami
