Inutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga opisyal ng transportasyon na itaas ang insurance ng mga pasahero ng pribadong sasakyan, katulad ng benepisyong ibinibigay sa mga sakay ng pampublikong sasakyan (PUV), para masiguro ang proteksyon ng mga biktima ng aksidente.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, gustong pantayin ni PBBM ang insurance ng private vehicles sa Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) ng PUVs — kung saan may hanggang P400,000 na death benefit at P100,000 para sa injury claims.
Sa ngayon, P200,000 lang ang kabuuang benepisyong ibinibigay sa lahat ng biktima ng aksidente sa pribadong sasakyan — kahit gaano pa karami ang nasaktan o namatay. Isang malaking isyu ito matapos ang ilang malalang aksidente gaya ng Katipunan Flyover crash noong Disyembre 2024 at ang SCTEX pile-up, na kumitil ng maraming buhay.
“Utos ng Pangulo: itaas at itapat ang insurance ng private vehicles sa PUVs!” sabi ni Dizon.
Target ng gobyerno na ipatupad ito bago matapos ang taon. Kasalukuyan nang nagtutulungan ang DOTr, LTO, at LTFRB para rito. | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
Marcos nais ipantay ang insurance ng private car sa PUV coverage
