Itinanggi ni Atty. Oliver Baclay, Jr., abogado ng Innocentrix—a Cebu-based business process outsourcing (BPO) company—ang anumang kaugnayan ng kanilang kompanya sa umano’y $44 milyong scam na nakaapekto sa mahigit 800 matatandang manunulat sa Estados Unidos.

Ayon kay Baclay, walang anumang pandarayang isinagawa ang Innocentrix, at wala rin itong naging bahagi sa naturang insidente. Ipinunto rin niyang ang CEO ng kompanya, si Michael Cris Traya Sordilla, ay na-detain sa Estados Unidos nang walang ipinakitang warrant of arrest, at hindi rin nabigyan ng Miranda Rights o ng karampatang proteksyon sa ilalim ng International Convention at U.S. Constitutional Rights.
Ipinahayag pa ni Baclay na nagsampa na sila ng mga kaso laban sa mga tiwaling ahente na sangkot sa insidente. Ang mga ito ay nasuspinde at tuluyang tinanggal sa serbisyo matapos ang isang pagdinig sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Giit ng kampo ng Innocentrix, hindi sila nasangkot sa anumang uri ng scam o pandaraya, lalo na noong panahon ng COVID-19 pandemic. Aniya, may malinaw at istriktong alituntunin ang kompanya na sinusunod ng mga tauhan nito. Dagdag pa rito, maaaring hindi pa lubusang alam ng Los Angeles Consulate ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kabuuan ng pangyayari.
Ngayong hindi na operational ang Innocentrix simula pa noong Disyembre 9, 2024, humihingi na ng tulong at aksyon ang pamilya nina Michael at Bryan sa Department of Foreign Affairs at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nanawagan sila ng katarungan at mabilis na tulong para sa kanilang kaanak na nakakulong sa ibang bansa.
Pansamantalang tumangging magbigay ng panayam ang pamilya habang nagpapatuloy ang legal na proseso.
#D8TVNews #D8TV