Magtatatag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng tinatawag na “Strategic Defense Command” upang mangasiwa sa mga military exercises kasama ang ibang bansa.
Sa isang panayam noong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP, na inaasahang magiging operational ang bagong unit ngayong taon.
“Plano naming maitatag ito ngayong taon. Wala pa tayong tiyak na schedule dahil dadaan ito sa karaniwang proseso,” sabi niya.
Ipinaliwanag ni Padilla na mahalaga ang paglikha ng nasabing unit dahil taon-taon ay lumalaki ang saklaw ng mga pagsasanay ng AFP kasama ang mga dayuhang hukbo.
Halimbawa nito ang taunang Balikatan at Salaknib exercises kasama ang militar ng Estados Unidos.
Sa kasalukuyan, ang mga joint exercises ay isinasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng AFP Education, Doctrine and Training Command.
Ang bagong unit ay tututok din sa pagsasanay sa paggamit ng makabagong kagamitan na kinukuha ng AFP at kung paano makikipag-ugnayan at magsasanib-puwersa sa mga kaalyadong bansa.
Dagdag pa ni Padilla, dadaan muna sa pansamantalang yugto ang Strategic Defense Command bago ito tuluyang mabuo at maging aktibo. | via Allan Ortega | Photo via AFP
#D8TVNews #D8TV