Magpapatuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa trough ng Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Palawan at Mindanao, ayon sa PAGASA ngayong Martes.
Ala-3 ng umaga, namataan ang LPA 695 km silangan ng Davao City, nakasama sa ITCZ. Mababa pa rin ang tsansa nitong maging bagyo sa loob ng 24 oras.
Makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Caraga at Davao Region dahil sa LPA. Ang Palawan at natitirang bahagi ng Mindanao ay mauulanan din dulot ng ITCZ.
Banta ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na uulanin. Samantala, inaasahan ang isolated thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa easterlies.
Banayad hanggang katamtamang hangin at alon ang mararanasan sa buong kapuluan.
Mainit naman ang panahon sa Sangley Point, Cavite City, 45°C ang forecasted heat index! 44°C naman sa Masbate City, CBSUA-Pili sa Camarines Sur, at NAIA. Samantala, 43°C sa San Jose, Occidental Mindoro at Cuyo, Palawan.
Aabot naman sa 42°C ang heat index sa Dagupan, Bacnotan, Iba, Subic Bay, Tarlac, Infanta, Coron, Daet, Roxas City, Iloilo, at Bukidnon.
Paalala ng PAGASA: Sa 42°C hanggang 51°C na init, mataas ang panganib ng heat cramps, exhaustion, at heat stroke kaya mag-ingat sa matagalang exposure sa init ng araw! | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV