Vice President Sara Duterte naghain ng petisyon sa SC para pigilan ang impeachment laban sa kanya.
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema (SC) si Pangalawang Pangulo Sara Duterte upang harangin ang impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kongreso.
Ayon sa SC, ang petisyon para sa certiorari at prohibition, kasama ang agarang aplikasyon para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction, ay inihain noong Martes, Pebrero 18.
Kasabay nito, isang grupo ng mga abogado mula sa Mindanao ang naghain din ng katulad na petisyon sa parehong araw.
Hiniling sa petisyon na ideklarang walang bisa ang ika-apat na impeachment complaint na isinampa ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan, batay sa Artikulo XI ng Konstitusyon na nagsasabing, “Walang impeachment proceedings na maaaring simulan laban sa parehong opisyal nang higit sa isang beses sa loob ng isang taon.”
Dahil dito, hiniling din sa Korte Suprema na maglabas ng writ of prohibition upang pigilan ang Senado sa pag-aksyon sa ika-apat na impeachment complaint dahil sa paglabag sa One-Year Bar Rule.
Ang petisyon ni Duterte ay isinampa matapos siyang ma-impeach ng Mababang Kapulungan noong Pebrero 5, 2025. – via Allan Ortega Photo: PNA