Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang seguridad ngayong Semana Santa sa pamamagitan ng pagde-deploy ng karagdagang tauhan mula sa Highway Patrol Group (HPG) sa mga pangunahing lansangan at expressway sa bansa.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at PNP-HPG, layunin ng hakbang na ito na matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at seguridad ng mga motorista ngayong peak travel season, lalo na’t libo-libong Pilipino ang bumibiyahe patungong probinsya o mga destinasyon para sa pagninilay at bakasyon. Bukod sa mga karagdagang HPG personnel, inilatag din ng PNP ang mahigit 52,000 uniformed police officers sa mga simbahan, terminal, paliparan, pantalan, at tourist spots. May kasamang 427 police K9 units ang deployment para sa mas mahigpit na seguridad, lalo na sa mga matataong lugar.
Sa pakikipag-ugnayan ng PNP sa AFP, PCG, at iba pang ahensya, naging mas organisado ang pagresponde sa posibleng banta o emergency habang nagpapatuloy ang mga tradisyunal na aktibidad ngayong Mahal na Araw. Pinapayagan din ang mga regional police offices na magtaas ng alert level batay sa lokal na sitwasyon.
Samantala, muling ipinaalala ng PNP sa publiko ang pagiging mapagmatyag lalo na sa social media. Huwag umanong i-broadcast online ang kanilang biyahe upang maiwasan ang insidente ng panloloob habang walang tao sa bahay. Ang mas pinaigting na presensya ng mga awtoridad sa lansangan ngayong Holy Week ay bahagi ng mas malawak na direktiba ng pamahalaan na tiyaking ligtas, maayos, at mapayapa ang paggunita ng Semana Santa ng mga Pilipino | via Dann Miranda | Photo via PNP-HPG
#D8TVNews #D8TV