Sa isang makasaysayang hakbang para sa kababaihan sa larangan ng space exploration, si Katy Perry ay kabilang sa anim na babaeng lumipad sa kalawakan sakay ng Blue Origin’s New Shepard rocket noong Abril 14, 2025. Ang misyon ay naganap kasabay ng International Day of Human Space Flight, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng paglahok ng kababaihan sa science and technology. Kasama ni Perry sa misyon sina Gayle King, Lauren Sánchez, Amanda Nguyen, Aisha Bowe, at Kerianne Flynn. Ang kanilang 11minute suborbital flight ay umabot sa Kármán line, ang opisyal na hangganan ng kalawakan na nasa 100 kilometers sa itaas ng lupa. Sa loob ng ilang minuto, naranasan ng crew ang microgravity bago ligtas na bumalik sa Texas.
Ipinahayag ni Perry na ang karanasang ito ay ikalawa sa pagiging ina sa mga pinakamahalagang sandali ng kanyang buhay. Pagkatapos ng landing, emosyonal na hinalikan nina Perry at King ang lupa bilang pasasalamat. Ibinahagi ni Perry ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng pag-awit ng “What a Wonderful World” habang nasa kalawakan, bilang simbolo ng pagmamahal sa mundo at pagkakaisa ng sangkatauhan.
Gayunpaman, tinuligsa naman ng ilang kritiko ang misyon na ito, ang space tourism bilang isang luho na may malaking carbon footprint at hindi naaangkop sa kasalukuyang mga isyung panlipunan. Ang halaga ng bawat upuan sa misyon ay tinatayang umaabot sa $1 milyon, na nagdulot ng diskusyon tungkol sa pagiging eksklusibo ng ganitong uri ng karanasan.
Sa kabila ng mga puna para kay Perry at sa kanyang mga kasamahan, ang paglalakbay na ito ay isang personal na tagumpay at isang hakbang patungo sa pagbibigay-inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga kababaihan sa science and technology. | via Dann Miranda | Photo via Katy Perry FB Page
#D8TVNews #D8TV