Sa isang mainit na pag-uusap ukol sa South China Sea, ipinahayag ng Pilipinas ang matinding pagkabahala sa mga insidenteng nanganganib sa seguridad ng mga barko at tauhan nito, pati na rin sa mga kilos na bumabastos sa ating soberanya, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ginanap na pag-uusap sa Maynila noong April 9-11 para sa Code of Conduct (COC), mariing iginiit ng bansa ang kahalagahan ng pagtalima sa international law, partikular ang UNCLOS at ang 2016 arbitral ruling na pabor sa Pilipinas laban sa ‘nine-dash line’ claim ng China.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, ang tensyon sa West Philippine Sea ay isa sa dahilan kung bakit kailangan na talaga ng malinaw na code of conduct.
Bagamat 2002 pa nagsimula ang pangako sa COC, 15 taon ang lumipas bago ito talagang napag-usapan. Hanggang ngayon, usapin pa rin kung ito ba’y magiging legal na obligasyon.
Sa ASEAN-China Summit noong October, iginiit ni Pangulong Marcos na bilisan ang negosasyon lalo na’t tuloy ang agresyon ng China. “Kahit ang simpleng konsepto ng ‘self-restraint,’ hindi pa rin napagkakasunduan!” aniya.
May mga susunod pang rounds ng usapan ngayong taon, at sa 2026, Pilipinas na ang mamumuno. Sa ngayon, malayo pa ang kasunduan, pero hindi sumusuko ang Pinas. | via Allan Ortega | Photo via Senate PRIB
#D8TVNews #D8TV