Lagyan ng CCTV ang mga classroom para mapigilan ang bullying

Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na lagyan ng CCTV ang mga silid-aralan sa pampubliko at pribadong paaralan para maiwasan ang karahasan at bullying sa pagitan ng mga estudyante.
Ayon kay Gatchalian, magandang ideya ito at dapat pondohan ng gobyerno ang mga CCTV. May ilang paaralan na raw ang may CCTV, pero kadalasan ay galing lang ito sa pondo ng mga lokal na pamahalaan.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag bago ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga insidente ng karahasan, kabilang na ang malagim na pagkamatay ng isang 14-anyos na estudyanteng babae na sinaksak ng kaklase sa loob ng kanilang paaralan sa Parañaque.
Kasunod nito, lumabas pa ang viral video ng isang babaeng estudyanteng binugbog ng dalawang kaklase habang nasa loob ng silid-aralan.
Giit ni Gatchalian, kung naipatupad lang nang maayos ang anti-bullying policy, hindi sana umabot sa ganitong punto. “Hindi na simpleng pambu-bully ito—nauuwi na sa pananakit at pag-upload ng kahihiyan online!” aniya.
Tinututok ng Senado ang imbestigasyon sa mga patakaran ng DepEd at ng mga eskwelahan tungkol sa school violence. Babala pa niya, maaari nang sampahan ng kaso ang mga school officials at magulang ng mga sangkot na estudyante.
“Alamin natin: Ano ba talaga ang ginagawa ng gobyerno at paaralan para pigilan ang ganitong klaseng bullying?” dagdag pa niya. | via Lorencris Siarez | Photo via legacy.senate.gov.ph

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *