Pangatlong petisyon ang isinampa sa Supreme Court noong Lunes, Marso 31, para kuwestyunin ang legalidad ng 2025 budget.
Ang Teachers’ Dignity Coalition, kasama ang Freedom from Debt Coalition at Philippine Alliance of Human Rights Advocates, ay humihiling na ideklarang walang bisa at labag sa Konstitusyon ang Republic Act 12116 o General Appropriations Act (GAA) ng 2025.
Ayon sa kanila, dapat prayoridad ang edukasyon sa pambansang budget, pero mas malaki ang pondo para sa imprastraktura. Tinukoy nila ang Article 14, Section 5 (5) ng Konstitusyon na nag-uutos na unahin ang edukasyon sa paglalaan ng pondo.
Hiniling din ng mga petitioner sa Korte Suprema na ipatigil ang implementasyon ng GAA sa pamamagitan ng isang writ of prohibition at temporary restraining order.
Ang mga respondent sa kaso ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin, ang Senado, at Mababang Kapulungan.
Samantala, dalawang naunang petisyon na ang inihain. Noong Enero, si dating Executive Secretary Vic Rodriguez at iba pang personalidad ang unang nagsampa ng kaso dahil sa umano’y iregularidad sa budget. Noong Marso 29, ang 1Sambayan Coalition naman ay humingi ng TRO laban sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Nakatakdang dinggin ng Korte Suprema ang oral arguments sa Mayo. | via Allan Ortega | Photo via sc.judiciary.gov.ph
#D8TVNews #D8TV
