Nagbabala si Health Secretary Ted Herbosa na maaaring magkaroon ng dengue outbreak sa Pilipinas ngayong taon, matapos tumaas ang mga kaso ng 78% kumpara noong 2024. Mula Enero 1 hanggang Marso 15, 2025, umabot na sa 76,425 ang naitalang kaso, mas mataas sa 42,822 noong parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Herbosa, nagaganap ang dengue outbreak kada 3-5 taon, at huling outbreak ay noong 2019—kaya malaki ang posibilidad na ngayong taon ito muling sumiklab.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Calabarzon (15,108), NCR (13,761), at Central Luzon (12,424). Bagaman nananatiling mababa ang case fatality rate sa 0.41%, patuloy na pinaaalalahanan ng DOH ang publiko na panatilihing malinis ang paligid para maiwasan ang pagdami ng lamok na may dalang dengue.
Karaniwang sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, rashes, at pagsusuka. Maaari rin itong humantong sa malalang kondisyon na nangangailangan ng agarang gamutan sa ospital.
Dahil dito, patuloy ang kampanya ng DOH laban sa dengue, kabilang ang paglilinis ng mga posibleng pinamumugaran ng lamok. | via Lorencris Siarez | Photo via medicalxpress.com
#D8TVNews #D8TV