Nag-file ng reklamo ang hip-hop artist na si Omar Baliw, o Omar Harry B. Manzano sa tunay na buhay, laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy at SMNI President Dr. Marlon Rosete sa Pasig Regional Trial Court noong Marso 24. Ito’y dahil sa umano’y hindi awtorisadong paggamit ng kanyang kanta na “K&B” bilang campaign jingle sa senatorial bid ni Quiboloy, na lumalabag sa Republic Act 8923 o Intellectual Property Code.
Ayon sa reklamo, ginamit ang kanta nang walang pahintulot ni Manzano, na may binagong lyrics at melodya upang umayon sa campaign slogans ni Quiboloy, sa campaign kick-off noong Pebrero 11 sa Pasig City. Bukod dito, ipinahayag ni Manzano na ang binagong bersyon ng “K&B” ay pinatugtog din sa iba’t ibang live public announcements sa buong bansa matapos ang nasabing campaign kick-off.
Bago ang pagsasampa ng reklamo, nagpadala si Manzano ng demand letter kay Quiboloy noong Pebrero 15, na humihiling ng paliwanag at pag-amin sa hindi awtorisadong paggamit ng kanyang kanta. Dahil walang nakuhang sagot mula sa panig ng pastor, nagsampa na siya ng kaso. Sa ilalim ng Section 217 ng RA 8923, ang copyright infringement ay may kaukulang parusa na pagkakakulong mula isa hanggang siyam na taon at multa mula P50,000 hanggang P1.5 milyon, depende sa bilang ng paglabag. | via Dann Miranda | Photo via Omar Baliw FB Page
D8TVNews #D8TV