Tsino na pumatay sa pusa sa Makati, inaresto at ipadedeport

Inaresto ng mga awtoridad sa imigrasyon ang Chinese national na si Jiang Shan, 32, matapos matuklasang overstaying ito sa bansa. Siya ang lalaking nag-viral dahil sa brutal na pagpatay sa pusang si “Ken” sa Ayala Triangle Gardens, Makati.
Nahuli si Jiang noong Marso 10 sa harap ng kanyang tirahan sa Barangay Palanan. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), dumating siya bilang turista noong Mayo 2023 ngunit hindi na niya inasikaso ang extension ng kanyang visa mula Setyembre 2023. Wala rin siyang naipakitang anumang dokumento sa mga otoridad.
Matapos arestuhin, dinala siya sa BI facility sa Bicutan, Taguig habang hinaharap ang kanyang deportation case.
Matatandaang umani ng galit si Jiang matapos sipain hanggang mamatay ang pusang si Ken, na noon ay nakahiga lamang sa isang walkway. Bukod pa rito, iniulat na nagpakita siya ng kayabangan at tumangging magbigay ng impormasyon sa mga residente matapos ang insidente.
Samantala, nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga dayuhan na dapat nilang igalang ang batas ng Pilipinas. “Kilalang mababait at maasikaso ang mga Pilipino sa mga bisita. Pero hindi ito dahilan para sipain nila ang ating mga alaga. Dahil sa ginawa niya, natuklasan ang kanyang paglabag sa visa, at ngayon ay nakadetine na para sa deportation,” ani Viado. | via Allan Ortega | Photo via BI

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *