Aabot na sa 1.4 milyong pamilya ang “nakagraduate” mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula 2022, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, hindi pinalalawak ang programa kundi nire-restore lamang ang humigit-kumulang 500,000 benepisyaryo upang mapunan ang mga pamilyang nakaahon na sa kahirapan.
Ipinaliwanag ng ahensya na mula sa dating 4.4 milyong household beneficiaries, nabawasan ito matapos makaalis ang ilang pamilya sa poverty threshold.
Batay ang pagpili ng mga bagong benepisyaryo sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at hindi sa rekomendasyon ng mga lokal na opisyal.
Aminado rin ang DSWD na may mga Pilipinong hindi pa ramdam ang pagbuti ng kanilang kalagayan, ngunit iginiit na kailangang ibatay ang mga polisiya sa opisyal na datos.
Sa ilalim ng 4Ps, tumatanggap ang mga kwalipikadong pamilya ng cash grants na nakaangkla sa edukasyon at kalusugan ng kanilang mga anak.
