Inilunsad ngayong Huwebes April 30, 2026, ang ikaapat na civilian mission ng grupong Atin Ito patungong Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Maagang isinagawa ang send-off ceremony sakay ng MV Kapitan Felix Oca na nakadaong sa Pier 15, Manila South Harbor. Dumalo sa nasabing okasyon ang mga volunteer, supporters, media partners, at ilang miyembro ng West Philippine Sea Bloc sa Kongreso.
Kabilang sa mga dumalo sina Akbayan Representatives Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula, gayundin si dating Congressman Erin Tañada ng Mamamayang Liberal Party-list.
Layunin ng misyon na maghatid ng pagkain at suplay ng gasolina sa mga residente ng Pag-asa Island.
Mayroon ding medical outreach at isang community concert para sa mga lokal na mamamayan.
Bahagi rin ng aktibidad ang jet ski flag ride bilang mapayapang pagpapahayag ng soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nagtapos ang seremonya sa simbolikong pagbusina ng barko, hudyat ng pagsisimula ng kanilang paglalayag na tatagal mula April 30 hanggang May 5. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
