Ibinunyag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang natuklasang “ghost drivers” sa listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda para sa public utility vehicle (PUV) drivers, na nagdulot ng pangamba sa posibleng pagkalugi ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na may iregularidad sa listahang isinumite ng transportation network companies (TNCs), kabilang ang duplicate at triplicate entries at binagong mga pangalan na nagpapahirap sa beripikasyon.
Ayon sa DSWD, nasa 80 porsyento lamang ang claim rate sa payout centers, habang may mga benepisyaryong hindi nagpakita o walang maipakitang valid na driver’s license.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kung naipamahagi agad ang pondo sa digital wallets nang walang beripikasyon, posibleng umabot sa ₱2.7 bilyon ang mawawala.
Samantala, kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) ang presensya ng “ghost riders” at mga hindi rehistradong drivers sa listahan ng mga kwalipikado sa ayuda.
Ayon kay Transportation Sec. Giovanni “Banoy” Lopez, tinatayang nasa 30,000 TNVS drivers ang wala sa opisyal na listahan, habang mahigit 200,000 motorcycle taxi riders ang hindi rehistrado.
Ipinaliwanag ng DOTr na dulot ito ng iregular na onboarding practices ng ilang TNCs, kabilang ang pagtanggap ng drivers kahit walang prangkisa o pahintulot mula sa LTFRB.
Sa kabila nito, itinuloy ang pamamahagi ng ayuda upang hindi maantala ang tulong sa mga lehitimong benepisyaryo, habang hiwalay na tinutugunan ang usapin ng pananagutan ng mga kumpanya. | via Joana Luna, D8TV News
