Habang papalapit ang inaasahang huling pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, patuloy din ang panawagan ng ilang grupo na pabilisin ang proseso ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Inaasahan ang isang kilos-protesta ng grupong Bagong Alyansang Makabayan bukas, April 29, kasabay ng posibleng huling impeachment proceedings ng komite.
Layunin ng grupo na himukin ang House committee na ideklarang may probable cause ang mga reklamo laban sa Bise Presidente.
Giit nila, sapat na umano ang mga testimonya at ebidensiyang isinumite ng ilang resource persons, kabilang ang dating aide ni VP Duterte na si Ramil Madriaga, ilang dating opisyal, at mga ahensya tulad ng Commission on Audit, Anti-Money Laundering Council, at NBI, upang ituloy ang impeachment case.
Samantala, nauna nang nagsagawa ng House-Church impeachment dialogue kung saan dumalo ang ilang mambabatas, religious leaders mula sa Iglesia Filipina Independiente, at iba pang sektor.
Sa naturang pagtitipon, nanawagan si Dr. Melba Maggay ng Institute for Studies in Asian Church and Culture sa mga simbahan sa bansa na maging mas matapang sa pagkontra sa korapsyon at sa mga kasong kinakaharap ng mga opisyal ng gobyerno. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
