Naghain ng isang resolusyon si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, upang hikayatin ang Office of the President na imbestigahan ang mga ulat ng umanong diskriminasyon at korapsyon sa implementasyon ng mga programang “Bawat Barangay Makikinabang,” “Bawat Bayan Makikinabang,” at iba pang assistance programs ng pamahalaan.
Batay sa resolusyon, ikinababahala ni Leviste ang mga ulat na may 84 barangay sa Batangas ang hindi umano naimbitahan sa isinagawang distribusyon ng ayuda ngayong araw sa pagbisita ng Pangulo sa lalawigan.
Ayon sa mga naunang pahayag, nakalaan umano ang tig-200,000 pesos para sa bawat barangay sa Batangas.
Dahil dito, hiniling ng mambabatas na magsagawa ng agaran, masusi, at patas na imbestigasyon sa umanong hindi pantay na implementasyon ng mga programa at sa alegasyon ng komisyon kapalit ng pondo. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
