Kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in damage to property ang driver ng PNP coaster bus na nasangkot sa banggaan matapos pumasok sa EDSA Busway sa Quezon City noong April 17, 2026.
Personal na nagtungo sa Quezon City Prosecutors Office ang Direktor ng PNP Logistics Support Service na si Brig. Gen. Noel Vallo upang pormal na magsampa ng reklamo laban kay Police Chief Master Sgt. Jenifer Bredico.
Ayon kay QCPD District Traffic Enforcement Unit (DTEU) Lt. Col. Josef Geoffrey Lyndon Lim, agad na isinampa ang kaso kaugnay ng insidente na naganap sa EDSA Northbound, Barangay Socorro, Quezon City.
Matatandaang sinibak na sa puwesto si Bredico kasama ang kanyang immediate supervisor kasunod ng naturang insidente.
Ayon sa PNP, ang nasabing coaster ay nakatakdang magsagawa ng libreng sakay operation sa Commonwealth Avenue para sumundo ng mga stranded na pasahero dahil sa tigil-pasada ng grupong Manibela nang mangyari ang banggaan sa EDSA Busway. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
