Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hinarang sa border ng Germany ang puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Co matapos nitong tangkaing tumawid mula sa Czech Republic.
Ayon sa Pangulo, tinanggihan ng German authorities ang pagpasok ni Co at agad itong ibinalik sa Czech Republic, kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa Czech authorities kaugnay ng status ng dating kongresista.
Nauna nang inanunsyo na naaresto si Co kahapon, April 16, matapos umanong tangkaing makapasok sa Czech Republic nang walang sapat na dokumento.
December 2025 nang kanselahin ng Department of Foreign Affairs ang pasaporte ni Co sa utos ng Sandiganbayan, kasunod ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong korapsyon.
Si Co, dating chairman ng House appropriations committee, ay nahaharap sa alegasyon ng malawakang korapsyon na kinasasangkutan ng bilyong pisong pondo sa flood control projects at umano’y manipulasyon sa pambansang badyet.
Bagama’t walang extradition treaty ang Pilipinas at Czech Republic, tiniyak ng Malacañang na nagpapatuloy ang koordinasyon upang maibalik si Co sa bansa.
