Dumalo ang ilan sa mga ipina-subpoena ng House Committee on Justice, sa nagpapatuloy na pagdinig ng komite, kaugnay ng dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ngayong Martess April 14, 2026.
Unang dumating, kasama ang kanyang mga jail escort ang umanong dating aide, at bagman umano ni VP Sara na si Ramil Madriaga, kung saan iginiit nitong totoo ang kanyang koneksyon sa pangalawang pangulo.
Dito, binasa ni Madriaga ang 49-page supplemental affidavit na nagdedetalye sa kanyang koneksyon kay VP Sara at sa mga Duterte, bago pa man ito maupo bilang pangalawang pangulo.
Una na rito ay ang detalye kung paano ito nagsilbing bagman sa binuong support team para sa bise, na tinawag na Innovation, and Progress Pilipinas ISIP Pilipinas INC. o para sa mga taga-suporte ni VP, ay nangangahulugang Inday Sara is my President”.
- Naudlot na presidential bid ni VP Sara noong 2022
Sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Justice, emosyonal na napaiyak si Madriaga habang inaalala ang naging desisyon ni Vice President Sara na umatras sa pagtakbo bilang pangulo noong halalan 2022.
Sa kanyang pagbasa ng sinumpaang supplemental affidavit, isinalaysay ni Madriaga na noong September 29, 2021, ipinaalam umano sa kanya ni Duterte na hindi na ito tatakbo bilang pangulo at sa halip ay magiging ka-tandem ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bise presidente.
Ayon kay Madriaga, nagdulot umano ito ng matinding pagkadismaya sa kanilang grupo na Initiative for Social Justice, Innovation, and Progress Pilipinas o ISIP Pilipinas, na kanyang itinatag upang suportahan ang kandidatura ni Duterte.
Dagdag pa niya, nagsagawa sila ng video conference kung saan personal niyang hiniling kay Duterte na muling pag-isipan ang kanyang desisyon, dahil sa laki ng kanilang naipuhunang oras at pagsisikap para sa kampanya nito.
Ibinahagi rn ni madriaga na nag-post siya sa Facebook ng screenshot ng kanilang video call, bilang panawagan kay Duterte na muling tumakbo, kasama ang pahayag na hindi siya makaboboto nang maayos kung wala ang pangalan nito sa balota.
Habang ipinagpapatuloy ang kanyang salaysay, kapansin-pansin ang kanyang matinding emosyon na naging dahilan upang pansamantalang ihinto ang pagdinig. Tinanong ng committee chair na si Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang kanyang kalagayan, kung saan inamin niyang siya ay nalulungkot.
Sa kahilingan naman ni Baguio City Representative Mauricio Domogan, pansamantalang sinuspinde ang pagdinig upang makabawi si Madriaga.
Sa iba pang bahagi ng kanyang affidavit, iginiit ni Madriaga na matagal na umano ang kanyang ugnayan kay Duterte, at pinabulaanan ang pahayag nito na hindi siya kilala.
Ayon sa kanya, ipinakilala siya kay Duterte ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at mula noon ay madalas na silang nagkikita at nag-uusap ukol sa iba’t ibang usapin.
Mariin din niyang itinanggi ang umano’y kawalan nila ng koneksyon, at sinabing hindi umano totoo ang mga pahayag laban sa kanya.
- Mga Duffle Bag na may pera
Isiniwalat din ni impeachment resource person Madriaga ang umanong pagdadala niya ng mga duffel bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera, batay umano sa direktang utos ni Vice President Duterte.
Detalyado niyang inilahad ang isang operasyon noong Disyembre 20, 2022, kung saan aniya’y sangkot ang sampu-sampung milyong pisong pondo mula umano sa confidential funds.
Ayon kay Madriaga, nagsimula ang operasyon sa isang tawag mula mismo kay Duterte noong umaga ng naturang araw. Inatasan umano siya na makipag-ugnayan kay Col. Dennis Nolasco para sa mga delivery sa San Pablo, Laguna, isang lugar na tinukoy bilang “Nightstrip,” at maging sa Office of the Ombudsman.
Dagdag pa niya, nakatanggap din siya ng text message mula kay Duterte na naglalaman ng mga detalye ng mga lokasyon at contact number ng mga tatanggap.
Sinabi ni Madriaga na bandang ala-una y medya ng hapon, pinapunta siya ni Nolasco sa Department of Education Central Office sa Pasig City upang magsagawa ng tinatawag nilang “transport,” na aniya’y tumutukoy sa paglipat o paghahatid ng malaking halaga ng pera.
Kasama umano niya sa operasyon sina Richard Peralta Babagay, Arman Villanueva, at ilan pang indibidwal. Gumamit sila ng iba’t ibang sasakyan kabilang ang Toyota FJ Cruiser at Toyota Grandia na may sticker na “INDAY SARA CHAMPORADU30.”
Habang naghihintay sa loob ng compound ng DepEd, sinabi ni Madriaga na dumating ang dalawang sasakyang may plakang pula na karaniwang ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno.
Makalipas ang ilang sandali, lumitaw umano si Col. Raymund Dante Lachica kasama ang isang babae na kinilala niyang si Special Disbursement Officer Gina Acosta.
Ayon sa kanyang salaysay, apat na malalaking bag ang ibinaba mula sa mga sasakyan, tatlong malalaki at isang mas maliit. Tinatayang naglalaman umano ang bawat isa ng humigit-kumulang 30 hanggang 35 milyong piso.
Ang mga bag ay agad umanong ipinamahagi sa iba’t ibang sasakyan upang ihatid sa kani-kanilang destinasyon, alinsunod umano sa mga naunang tagubilin.
- P125M Confidential Funds ng OVP
Tinuwid din ni Madriaga, ang umanong maling impormasyon tungkol sa kung papaaano naubos ang P125 million confidential funds ng Office of the Vice President o OVP noong 2022 ay hindi ginamit sa loob ng labing-isang araw, kundi naipamahagi umano sa loob lamang ng wala pang 24 oras.
Sa kanyang sinumpaang supplemental affidavit, kinuwestyon ni Madriaga ang mga naunang ulat hinggil sa paggamit ng nasabing pondo, na ngayon ay sentro ng mga usapin sa impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Madriaga, personal umano niyang pinangasiwaan ang distribusyon ng kabuuang halaga sa loob ng isang araw lamang, taliwas sa mga ulat na ito ay ginamit sa loob ng labing-isang araw.
Dagdag pa niya, isinagawa umano ang mabilisang paglipat ng pondo sa pamamagitan ng magkakaugnay na transaksyon kung saan ang pera ay dinala sa iba’t ibang lokasyon at ipinamahagi sa iba’t ibang indibidwal.
Inilahad din niya ang isang operasyon noong Disyembre 2022 kung saan umano’y kinuha ang mga bag na naglalaman ng tig-30 hanggang 35 milion pesos mula sa Department of Education Central Office sa Pasig City at inihatid sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Laguna at Quezon City.
Ayon pa sa kanyang salaysay, isinagawa umano ang mga delivery sa direktang utos ni Duterte at may partisipasyon ng mga miyembro ng Vice-Presidential Security and Protection Group, kabilang sina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachica.
Aniya, ang pera ay nakaayos sa mga bundle ng tig-iisang libong pisong papel, na pinagsama-sama sa tig-iisang milyong piso kada pakete at binalot sa transparent na plastik bago isinakay sa iba’t ibang sasakyan patungo sa mga itinalagang destinasyon.
Bahagi ang affidavit ni Madriaga sa mga ebidensyang sinusuri ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment, kabilang ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential at intelligence funds.
Iginiit din ni Madriaga na taliwas ang kanyang pahayag sa mga naunang depensa ng Bise Presidente na tumatanggi sa anumang iregularidad sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon sa isyung ito, na umiikot sa usapin ng transparency, pananagutan, at pagsunod sa mga patakaran sa pag-audit ng pondo ng bayan.
Samantala, bago tuluyang bumalik sa kustodiya ng BJMP camp, Bagong Diwa, Taguig city, ibinigay na ni madriaga ang waiver para sa bank secrecy law na magbibigay pahintulot para tingnan ang mga accounts, na nakalagay sa kanyang supplemental affidavit. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
