Pormal nang nilagdaan ng Department of Justice, Presidential Communications Office, at Department of Information and Communications Technology ang isang Memorandum of Agreement para palakasin ang laban kontra online disinformation.
Kasama ni SOJ Frederick Vida sina Sec. Henry Aguda at Sec. Dave Gomez sa paglagda sa kasunduan.
Ayon sa DOJ, layunin ng MOA na mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensya sa pag-monitor at pag-aksyon laban sa fake news, kabilang ang misinformation, disinformation, at deepfakes.
Binigyang-diin din ng ahensya na patuloy na lumalawak ang banta ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan at pagkakahati sa publiko.
Kasunod nito, nagbabala ang DOJ na maaaring managot sa ilalim ng batas ang mga sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na mananatiling protektado ang freedom of expression at hindi saklaw ang lehitimong opinyon.
Nagpasalamat din ang mga opisyal sa mainstream media sa paghahatid ng beripikadong balita.
Panawagan ng mga opisyal sa publiko, maging mapanuri at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online. | via Felix Laban, D8TV Stringer


