Inilunsad ng pamahalaan ang ₱10 kada litro na fuel discount para sa public utility vehicles sa Metro Manila bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa joint press briefing, sinabi ni DOE Sec. Sharon Garin na 52 gas stations ang kalahok sa programa, kung saan 33 ang kasalukuyan nang operational at ang iba ay inaasahang madaragdag sa mga susunod na araw.
Saklaw ng diskwento ang diesel para sa mga registered jeepney at UV Express units, na may maximum na 150 liters o katumbas ng ₱1,500 kada linggo bawat sasakyan.

Tiniyak naman ng Department of Energy na may sapat na suplay ng langis sa bansa, habang patuloy na pinag-aaralan ang pangmatagalang solusyon.
Ayon kay Transportation Sec. Giovanni Lopez, layunin ng programa na matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pampublikong transportasyon at mabawasan ang oras ng paghihintay ng mga commuter.
Para mapadali ang distribusyon, inilunsad din ng Land Bank of the Philippines ang isang digital system kung saan maaaring makuha ng mga tsuper ang subsidy gamit ang mobile application na konektado sa mga gas station.
