BI, nagbabala vs iligal “backdoor” exit schemes

Nagbabala ang Bureau of Immigration sa mga Pilipino laban sa tinatawag na illegal “backdoor” exit schemes kasunod ng patuloy na pagpapauwi sa mga biktima ng human trafficking.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section, kabilang sa mga na-repatriate ang isang Pilipina na dumating sa bansa mula Cambodia sa pamamagitan ng Hong Kong–Philippines flight.

Base sa imbestigasyon, umalis ang biktima sa Pilipinas noong nakaraang taon sa pamamagitan ng bangka mula Tawi-Tawi, at dumaan sa Sabah, Kota Kinabalu, Kuala Lumpur, hanggang sa makarating sa Cambodia.

Ayon sa kanyang salaysay, na-recruit siya online sa Telegram para sa umano’y receptionist job na may sahod na umaabot sa 900 hanggang 1,200 US dollars, ngunit kalaunan ay pinilit siyang magtrabaho sa isang scam operation at naibenta pa sa ibang grupo.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy ang panganib ng trafficking syndicates at marami sa mga dumaraan sa ilegal na ruta ang nauuwi sa exploitation at pang-aabuso.

Giit ng BI, ang mga hindi awtorisadong pag-alis ng bansa ay naglalagay sa mga biktima sa mas mataas na panganib.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *