Nagpatupad ng dagdag-singil sa kuryente ang Meralco ngayong Abril, bunsod ng paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon sa Meralco, nadagdagan ng P0.53 kada kilowatt-hour ang singil kaya umabot na sa P14.40 per kWh ang kabuuang rate.
Katumbas ito ng humigit-kumulang P107 na dagdag sa buwanang bill ng mga pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour.
Pangunahing dahilan ng dagdag-singil ang mas mataas na generation charge na tumaas ng P0.53 kada kWh dahil sa pagmahal ng dolyar, na umabot sa mahigit P60 per dollar ang palitan noong Marso.
Ayon sa Meralco, apektado nito ang malaking bahagi ng mga kontrata sa kuryente na dollar-denominated, kabilang ang suplay mula sa First Gas at iba pang power supply agreements.
Dagdag pa rito, tumaas din ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM dahil sa mas mataas na demand sa kuryente.
Simula rin ngayong Abril, ipinatutupad na ang bagong lifeline rate kung saan ang mga kwalipikadong mahihirap na konsyumer na may konsumo na 50 kWh pababa ay makatatanggap ng 100% diskwento sa kanilang bill.
Pinayuhan naman ng Meralco ang publiko na maging masinop sa paggamit ng kuryente lalo ngayong tag-init kung saan tumataas ang konsumo dahil sa paggamit ng mga cooling appliances.
