Nanganganib mabigo ang kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos matapos muling isara ng Tehran ang Strait of Hormuz kasunod ng panibagong opensiba ng Israel sa Lebanon.
Nanawagan ang White House na agad buksan muli ang mahalagang daluyan ng langis at tiniyak na ipagpapatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Sa kabila ng ceasefire, nagpapatuloy ang palitan ng drone at missile attacks sa Iran at mga karatig-bansa, habang pinaigting ng Israel ang pag-atake laban sa grupong Hezbollah sa Lebanon.
Sa Beirut, hindi bababa sa 182 katao ang nasawi at daan-daan ang sugatan sa isa sa pinakamadugong insidente sa kasalukuyang sigalot.
Inilarawan naman ng U.S. Vice President ang kasunduan bilang “marupok,” habang inaakusahan ng Iran ang Amerika ng paglabag sa mga kondisyon ng tigil-putukan.
Hindi rin magkasundo ang dalawang panig kung saklaw ba ng kasunduan ang sitwasyon sa Lebanon.
Samantala, nananatiling hindi malinaw ang kabuuang detalye ng kasunduan, kabilang ang isyu sa nuclear program ng Iran at ang paniningil umano nito ng bayad sa mga barkong dadaan sa Strait of Hormuz.
