Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na isabuhay ang kagitingan sa kanilang pang-araw-araw na buhay ngayong Huwebes, kasabay ng paggunita ng Araw ng Kagitingan.
Ayon sa Pangulo, ang kabayanihan ay hindi lamang alaala ng nakaraan, kundi dapat makita sa bawat tamang desisyon, pagtulong sa kapwa, at paninindigan sa tama. Binanggit niya ang sakripisyo ng mga sundalong Pilipino sa Bataan at Corregidor noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ipinapaalala ng Araw ng Kagitingan ang pagbagsak ng Bataan noong 1942, na sinundan ng Bataan Death March, kung saan libu-libong sundalo ang namatay dahil sa gutom, pagod, at pang-aabuso.
Binigyang-diin ni Marcos na ang diwa ng kagitingan ay patuloy na gabay ng mga Pilipino sa kasalukuyan.
Aniya pa, ang tunay na lakas ng bansa ay nasusukat sa kakayahang bumangon at lumaban bilang isang nagkakaisang bansa, sa kabila ng mga hamon.
Ang Pangulo ang nakatakdang manguna sa mga commemoration rites sa Mt. Samat National Shrine sa Bataan.
