Pinadalhan ng show cause order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang walong bus companies dahil sa umano’y ilegal na pagtaas ng pamasahe nang walang pahintulot ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, posibleng masuspinde o tuluyang makansela ang Certificate of Public Convenience ng mga operator kung mapatunayang lumabag ang mga ito sa regulasyon.
Nauna nang iniulat ng Parañaque Integrated Terminal Exchange ang naturang mga bus operator na umano’y nagpatupad ng dagdag-pasahe, partikular sa ilang rutang patungong Bicol.
Inatasan ang mga kumpanya na magpaliwanag sa loob ng sampung araw at dumalo sa pagdinig sa April 3.
Binigyang-diin ng LTFRB na dapat itigil agad ang paniningil ng sobra sa pamasahe habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Paalala rin ng ahensya, suspendido pa ang anumang fare hike alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis.
