PBBM, pinangunahan ang pagbubukas ng CAVITEX-C5 Link

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbubukas ng bagong bahagi ng CAVITEX-C5 Link, na inaasahang magpapabilis ng biyahe mula Parañaque hanggang Taguig City sa loob na lamang ng 15 minuto.

Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang proyekto upang maibsan ang trapiko sa mga pangunahing kalsada at mapadali ang koneksyon ng mga lungsod sa southern Metro Manila at Cavite, kabilang ang Makati, Pasay, Las Piñas, Bacoor, at Kawit.

Binigyang-diin din niya na bukod sa tipid oras, makatutulong ang expressway sa pagbawas ng konsumo sa gasolina at krudo, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.

“Malaking bagay ito kasi made-decongest ‘yung mga maliliit na kalsada dahil dito na dadaan [sa expressway]. At yung biyahe na dati isang oras kalahati, magiging 15 minutes na lang. Napakalaking bagay niyan dahil sa savings sa oras ng komyuter,” ani Pangulong Marcos.

Samantala, sinabi ng Department of Transportation na mababawasan din ang traffic congestion sa Kaingin area at magkakaroon ng mas maayos na koneksyon papuntang Sucat, Merville, at C5 Taguig.

Ang 7.7-kilometer expressway ay inaasahang maglilingkod sa humigit-kumulang 36,000 motorista araw-araw, at magbibigay rin ng mas mabilis na access papuntang NAIA.

Dagdag pa ng DPWH at DOTr, magbubukas pa sila ng mas maraming kalsada sa mga susunod na linggo upang lalo pang mapabilis ang biyahe at mapababa ang gastos ng mga motorista. | via Joana Luna, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *