Pumasok ang Pilipinas at China sa tinatawag na “initial exchanges” o paunang pag-uusap kaugnay sa posibleng oil and gas exploration, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Isinagawa ang pulong sa Quanzhou City sa Fujian, China noong March 27 at 28, kung saan nagdaos ang dalawang bansa ng Foreign Ministry Consultations at Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea.
Ayon sa DFA, muling iginiit ng Pilipinas ang pangangalaga sa pambansang interes, kasabay ng pagsusulong ng kooperasyon sa ekonomiya at ugnayang pangmamamayan.
Tinalakay rin ng dalawang panig ang global uncertainties, kabilang ang sitwasyon sa Middle East, at ang kahalagahan ng matatag na suplay ng enerhiya at pataba, pati na ang posibilidad ng green at renewable energy cooperation.
Gayundin ang pagpapalakas ng tiwala sa karagatan, tulad ng ugnayan ng coast guard, ocean meteorology, at paunang hakbang sa oil at gas cooperation. | via Joana Luna, D8TV News
