Nagsisimula ang National Food Authority (NFA) ng isang P10-bilyong modernisasyon upang mapalakas ang imbakan at produksiyon ng bigas sa bansa.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, prayoridad ang pagpapaganda ng mga imbakan, pagpapatayo ng mga gilingan, at pag-upgrade ng drying facilities. Inaasahang magiging operational ito bago matapos ang 2026, sakto sa anihan ng 2027.
May P3.5 bilyon nang inilaan para madagdagan ng 800,000 metric tons (MT) ang storage capacity, halos doble sa kasalukuyang kapasidad. Kasama rin ang P1.5 bilyong pondo para sa pagkukumpuni ng mga lumang warehouse.
Gagamitin din ang P5 bilyong pondo ngayong taon sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad sa Luzon at Mindanao. Magkakaroon ng modernong gilingan at silos sa Cagayan Valley at Central Luzon upang mapanatili ang kalidad ng bigas nang hanggang dalawang taon.
Sinabi ni Lacson na malaking tulong ito sa mga magsasaka dahil maibebenta nila ang palay kahit may mataas na moisture content, na magpapagaan sa kanilang gastusin at magpapatatag sa presyo ng bigas.
Target ng NFA na bumili ng 545,000 MT ng palay para sa siyam na araw na suplay at 880,000 MT para sa bagong buffer stock na 15 araw, alinsunod sa expanded Rice Tariffication Law. | via Lorencris Siarez | Photo via bworldonline.com
P10-B modernization ng NFA, solusyon sa kakulangan sa bigas
