Stranded commuters, naitala sa ibat ibang bahagi ng NCR

Ilang komyuter ang na-stranded sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ngayong Huwebes, kasabay ng pagsisimula ng dalawang araw na nationwide transport strike laban sa tumataas na presyo ng langis.

Ayon sa grupong MANIBELA at sa National Capital Region Police Office (NCRPO), naitala ang mga stranded na pasahero sa Maynila, Quezon City, Pasig, Taguig, Parañaque, Las Piñas, at Malabon.

Sinabi ng NCRPO na bagamat inaasahan na ang kilos-protesta, may ilan pa ring bumiyahe kahit hindi naman umano ganoon kaimportante ang kanilang lakad, na nagpadagdag sa dami ng mga commuter na papasok sa paaralan at trabaho.

Sa kabila nito, wala namang naitalang anumang insidente sa mga lugar ng rally.

Kabilang sa mga nakiisa sa welga ang mga tsuper ng jeepney, TNVS, motorcycle taxi, bus, at UV Express. Isa sa mga pangunahing pagtitipon ay ginanap sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City kaninang alas-6 ng umaga.

Ilan sa panawagan ng transport groups ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa petrolyo, rollback ng presyo ng langis sa P55 kada litro, at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.

Hiling din nila ang dagdag-pasahe, P1,200 family living wage, at nasyonalisasyon ng oil industry.

Samantala, naglatag naman ang pamahalaan ng libreng sakay upang matulungan ang mga apektadong pasahero.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *