Aprubado na ng Economic and Development Council, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukalang trimester system ng Department of Education para sa School Year 2026 hanggang 2027.
Sa ilalim ng bagong school calendar, hahatiin ang 201 school days sa tatlong termino o Hunyo hanggang Setyembre, Setyembre hanggang Disyembre, at Enero hanggang Marso.
Layunin ng pagbabago na pahabain ang tuloy-tuloy na oras ng pagkatuto ng mga estudyante at mabawasan ang pagkaantala dulot ng masamang panahon, selebrasyon, at iba pang gawain.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development, makatutulong ang mas mahabang instructional blocks upang mapabuti ang pacing ng aralin at learning recovery ng mga mag-aaral.
Magkakaroon din ng nakatakdang breaks kada termino upang mabigyan ng panahon ang mga guro para sa lesson planning at professional development.
Inaasahang maglalabas ng pinal na guidelines ang DepEd matapos ang konsultasyon sa iba’t ibang sektor. | via Joana Luna, D8TV News
