Nagsagawa ng magkahiwalay na operasyon ang Taguig City Police Office laban sa mga sangkot sa serye ng convenience store robbery at pamamaril sa Barangay New Lower Bicutan.
Naaresto ng otoridad ang dalawang suspek na kilala sa alyas na “Axel Ray” at “Bogie” na sangkot sa hold-up sa isang convenience store sa M.L Quezon Street, Barangay Wawa noong March 10.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinangay nito ang humigit kumulang ₱11,000 at ilang tsokolate sa tindahan kung saan tinutukan pa ng baril ang cashier bago ito tumakas sakay ng motorsiklo.
Nadakip sa isinagawang follow up operation sa San Pedro, Laguna, ang dalawa at nasamsam sa kanila ang isang 9mm pistol, magazine at mga bala.
Sa kanilang backtracking sa kaso natukoy din na may iba pang biniktimang mga convenience store ang mga ito at natukoy na may iba pa itong kasama na kinilala ng pulisya sa alyas “Jeff” at “Emong”.
Samantala, naaresto na rin ng Taguig Police ang mga suspek sa pamamaril sa Pio Felipe Street, barangay New Lower Bicutan nitong March 13 na sina alyas “Bogz” at “Hendrich”.
Ayon kay Taguig Police Chief Police, Col. Julius Añonuevo, nagsagawa ito ng backtracking sa tulong ng CCTV at follow up operations kung saan naaresto ang mga suspek at nasamsam sa kanila ang isang .45 caliber pistol, magazine, at ilang bala.
Saad ng opisyal, bunga ng matagumpay na opersasyon ang masusing imbestigasyon at koordinasyon ng pulisya sa mga local na pamahalaan.
Binigyang diin naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, ang masinop at mabilis na aksyon ng pulisya sa pagpapanatili ng kaligtasan at kapayapaan ng bawat komunidad sa lungsod.
Ani ni Cayetano, ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang mahigpit na ugnayan sa pulisya para mapanatiling ligtas ang bawat Taguigeño at matunton ang iba pang sangkot sa mga krimen. | via Allen Ibañez, D8TV News
