VIRAL: Cum Laude gasoline attendant sa Zamboanga, malinaw na naipaliwanag ang taas-presyo ng gasolina

Viral ngayon sa social media ang isang gasoline attendant sa Zamboanga City matapos magbigay ng malinaw at detalyadong paliwanag tungkol sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa video na ibinahagi ng isang local media sa Zamboanga, sinagot ni Alkindar Amil, na kilala rin bilang “Khinz,” ang tanong ng isang motorista kung bakit muling nagmahal ang presyo ng gasolina.

Sa halip na simpleng paliwanag, ipinaliwanag ni Amil ang mga salik na nakaaapekto sa oil prices tulad ng geopolitical tensions, galaw ng global crude oil prices, at epekto ng foreign exchange rate sa presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas.

Mas lalong hinangaan ng mga netizen si Amil nang malaman ang kanyang educational background.

Nagtapos siya ng elementarya sa Tanjung Elementary School bilang Top 7 noong 2007, at naging Top 7 din sa kanyang batch sa Jolo School of Fisheries noong 2012.

Sa kolehiyo naman, nagtapos siya bilang cum laude sa Mindanao State University Sulu noong 2016.

Sa kabila ng kanyang academic achievements, kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang gasoline attendant sa isang gasolinahan sa Zamboanga City.

Ayon sa mga netizen, patunay ang kuwento ni Amil na maraming Pilipino ang may mataas na pinag-aralan at kakayahan kahit hindi sila nasa mga posisyong karaniwang inaasahan ng lipunan.

Para sa marami, ipinakita ni Amil na ang edukasyon ay maaaring magamit sa anumang larangan, at hindi kailangang nasa entablado o opisina upang makapagbahagi ng kaalaman sa kapwa. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *