Bilang paghahanda sa papalapit na summer vacation, kasabay ng Semana Santa ngayong taon, binabantayan ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group ang digital world laban sa mga iba’t ibang uri ng modus na maaaring umusbong.
Ayon kay PNP ACG Spokesperson, Lt. Wallen Arancillo, kabilang sa kanilang tinututukan ang mga nakikita sa social media tulad ng mga accomodation at reservation tours na karaniwang ginagamit ng mga scammer para mang hikayat o mang engganyo ng publiko na pumunta sa kanilang site.
“Ang kadalasang modus operandi ng mga cyber criminals ay gumagamit sila ng mga fake advertisements at pinopost ito sa mga social media platforms and mga online marketplaces” ani, Arancillo.
Dagdag pa nito, “ang karaniwang ginagawa nila ay kumukuha sila ng mga photos and videos ng mga legit na resorts and accommodation and pinopost nila ito sa murang halaga kaya marami ang nahihikayat or naeenganyo sa ganitong klaseng modus.”
Bukod dito, sobrang mura o tila bagsak presyo na ang mga alok sa accomodation at reservation tour pages para mas makahikayat ng mga mabibiktima at mapakagat ang mga target nito na makapagbayad sa kanila at bigla na lang maglalaho matapos matanggap ang bayad.
Batay sa imbestigasyon, kadalasang nakakapagbigay ng mga downpayment or full payment ang mga nabiktima ng vacation or accommodation scam kahit na hindi pa sila nakakarating sa mismong venue.
Aniya, “so automically binablock sila online and meron din mga accommodation na ang ganda-ganda doon mismo sa photos and videos and nung dumating sila sa mismong lugar ay iba yung nakikita nila, hindi yung mismong nakapost sa online.”
Paalala ng ACG, ugaliing magbasa muna ng mga reviews, idouble check ang mga pages online at agad na ipagbigay alam sa otoridad kung may nakitang kahina hinalang pages or websites upang mahuli ang mga scammers na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act no. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
