Presyo ng langis, patuloy na tumataas sa kabila ng paglabas ng strategic reserves

Patuloy na tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kahit inanunsyo ng International Energy Agency o I-E-A ang rekord na paglabas ng oil reserves upang maibsan ang kakulangan sa suplay.

Ayon sa ulat, maglalabas ang mga miyembrong bansa ng IEA ng humigit-kumulang 400 milyong bariles ng langis mula sa kanilang strategic reserves upang makatulong sa kakulangan ng suplay na dumadaan sa Strait of Hormuz.

Ang hakbang ay isinagawa matapos ipahayag ng Iran na handa itong makipaglaban sa isang matagal na digmaan na maaaring makaapekto sa pandaigdigang ekonomiya.

Nauna nang umatake ang Iran sa dalawang commercial ships at nagbabala sa mga barkong mula sa Estados Unidos at mga kaalyado nito.

Ayon sa ulat, gumanti ang Tehran sa mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel na nagsimula noong Pebrero 28 sa pamamagitan ng pag-target sa mga lugar sa oil-rich Gulf region at epektibong pagsasara sa mahalagang Strait of Hormuz.

Tinatayang halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis ang dumaraan sa nasabing shipping route.

Sa kabila ng paglabas ng reserves, tumaas pa rin ng mahigit apat na porsiyento ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa analyst na si Helge Andre Martinsen ng DNB Carnegie, bagama’t makatutulong ang paglabas ng oil reserves, maliit lamang ang magiging epekto nito sa kakulangan ng suplay sa maikling panahon.

Ayon kay Forex.com analyst Fawad Razaqzada, hindi nakapagbigay ng sapat na kumpiyansa sa merkado ang paglabas ng oil reserves kaya nananatiling maingat ang mga mamumuhunan.

Nauna nang umabot sa halos 120 dollars kada bariles ang presyo ng langis noong Lunes, ang pinakamataas mula noong 2022, dahil sa pangamba na maaaring magpatuloy ang sigalot at lalo pang maapektuhan ang suplay ng enerhiya sa mundo. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *