Wala pang inilalabas na desisyon ang korte kung kailan maililipat ang mga pulis na naaresto na sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero na nasa custodial center sa Camp Crame.
Ito’y matapos na kasuhan ang 14 pulis, 7 sibilyan at ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang dahil sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mahigit 100 sabungero noong 2021 hanggang 2022.
Ayon kay PNP CIDG-NCR Chief, Col. John Guiagui, pansamantala munang mananatili sa custodial facility ang mga akusado habang nakabinbin pa ang mosyon ng mga ito sa korte na mailipat ng kulungan sa Sta. Cruz at Lipa sa Batangas.
Sa kabila ng pangamba ng mga naulila ng mga nawawalang sabungero sa pananatili ng mga pulis sa custodial facility, tiniyak ng CIDG NCR na walang special treatment sa mga ito
Si Ang at iba pang akusado ay nahaharap sa kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa ngayon, may patong sa ulo ang puganteng negosyante na ₱20 milyon sa makapagtuturo sa kinaroroonan nito.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng manhunt operations at pag suyod sa mga ari-arian ni Ang sa buong bansa. | via Allen Ibanez, D8TV Correspondent
