Magbibigay ang pamahalaan ng ₱5,000 cash assistance sa mga public utility vehicle drivers upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Dept of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian, sisimulan ang pamamahagi ng tulong sa March 17, at uunahin ang mga tricycle driver sa Metro Manila.
Magmumula ang pondo sa DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program. Paliwanag ni Gatchalian, P30 Billion ng P60 Billion sa budget ng AICS para sa 2026, ay nakalaan para sa mga subsidiya.
Sinabi naman ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na magsusumite ng listahan ng mga registered drivers ang lahat ng lokal na pamahalaan sa National Capital Region, para sa rollout ng programa.
Bukod sa tricycle drivers, makikinabang din sa tulong ang jeepney, bus, UV Express, at TNVS drivers.
Posible rin ang ikalawang round ng ayuda kung magpapatuloy ang krisis sa presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
