Kinumpirma ni Senate President Tito Sotto na bibigyang prayoridad nila ang hinihinging emergency powers ng pangulo upang matugunan ang krisis sa tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Sotto, naniniwala siyang mabilis nila itong maaaksyunan at kayang maaprubahan bago sila magbakasyon sa darating na holy week.
Inaasahan ng senador na matanggap ang pormal na proposal sa lalong madaling panahon para mai-refer na sa mga nararapat na komite gaya ng Committee on Ways and Means, Finance at Energy.
Aniya, ang proseso ay tulad ng sa batas na may mga pagdinig na daraanan ngunit mamadaliin kapag nasertipikahang urgent para ma-waive ang three days rule sa pagitan ng readings at matugunan bago ang session break.
Kaisa naman dito si Sen. Panfilo Lacson upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong apektado ng giyera sa Gitnang Silangan.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng opisina ni Sotto kay Executive Secretary Ralph Recto matapos lamang pag-aralan ang naturang proposal. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
