Mga posibleng epekto ng oil price hike, tinalakay sa Kamara

Nagsimula nang talakayin sa Kamara ngayong Lunes, ang mga posibleng maging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.

9:40 kaninang umaga, binuksan ng House Committee on Ways and means ang deliberasyon kaugnay ng mga panawagang suspendihin ang pagpapataw ng fuel excise tax.

Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, layunin ng deliberasyon na tiyaking “data driven” ang magiging desisyon ng Kamara kaugnay ng posibilidad na suspendihin ang mga umiiral na excise tax, sa produktong petrolyo.

Dumalo sa pulong si Dept. of Energy Sec. Sharon Garin, kung saan nilinaw nitong hindi direktang umaangkat ang Pilipinas ng crude oil mula sa Middle East, ngunit halos 90% umano ng mga pinagkukunan nito kagaya ng China, ay nag-iimport mula sa Gitnang silangan.

Ayon kay Garin, hindi maituturing na “big issue” ang suplay ng crude oil, dahil posibleng kumuha sa alternative countries, gaya ng Malaysia.

Pagdating naman sa isyu ng price adjustment, inaasahang maiimplementa bukas ang P17 hanggang P20, na dagdag presyo.

Nilinaw ni Garin na mayroong ilang oil company na pumayag na utay-utayin ang pagpapatupad ng taas presyo, kung saan ang iba rito ay magpapatupad muna ng P2.50 price adjustment, habang ang iba naman ay dagdag na P10.

Tiniyak naman ng DOE Chief, na naka-usap na nila ang ilang oil companies kaugnay sa kahandaan ng suplay, kung saan sinabi umano ng mga ito, na nasa Pilipinas o on route na ang ilang oil supply, at sasapat ito hanggang katapusan ng buwan ng Abril.

Sa kabila ng mga paghahanda ng pamahalaan, ipinanawagan pa rin ni Garin ang pagbibigay ng dagdag kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo.

Samantala, sinabi ni Dept. of Finance Usec. Karlo Fermin Adriano, na kung sususpendihin naman ang excise tax sa oil products, simula Mayo hanggang Disyembre ngayong taon, posibleng umabot sa P136 billion, ang mawalang kita ng gobyerno. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *