Nagbabala ang ilang senador hinggil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, dapat agad i-report sa awtoridad ang mga gasolinahang maagang nagtataas ng presyo nang walang opisyal na anunsyo.
Giit niya, maaari itong masabing hoarding o profiteering sa ilalim ng Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, at unfair sales practice naman sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines. Pinayuhan ng senador ang publiko na agad itong isumbong sa pulisya o lokal na pamahalaan.
Samantala, iminungkahi ni Sen. Francis Escudero ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng langis sa mga manggagawa at sa ekonomiya.
Ani Escudero, sa mga pribadong kumpanya, makabubuting sumabay sa hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng compressed workweek sa ilang ahensya ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Escudero, makakatulong ang naturang hakbang upang bawasan ang paggamit ng gasolina, makatipid sa gastos sa transportasyon, at makaginhawa sa matinding trapiko, lalo na sa mga business district gaya ng Makati at BGC.
Hinihikayat din ng mga senador ang publiko na magtipid sa enerhiya, mag-carpool, o magbisikleta, kung kaya, upang makatulong sa bansa sa pagharap sa kasalukuyang energy at transport crisis. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
