Isang Filipino-American serviceman ang kabilang sa anim na nasawi matapos tamaan ng drone strike ang kanilang command center sa Kuwait noong Linggo.
Ayon sa Pentagon, kabilang sa mga nasawi ang 54-anyos na Chief Warrant Officer na si Robert Marzan, na bahagi ng logistics unit na nagkakaloob ng pagkain, tubig, kagamitan at iba pang suplay sa combat troops ng Amerika.
Ang ina ni Marzan na si Natividad “Naty” Macabenta Marzan ay mula sa Catbalogan, Samar.
Ayon sa kanyang pamilya, dalawang buwan na lamang sana ay matatapos na ang kanyang huling deployment matapos ang mahigit 30 taon ng serbisyo sa US Army.
Matapos ang pagbomba ng US at Israel, nagpakawala ang Iran ng missiles at drones laban sa Israel at ilang bansa sa Gulf na may presensya ng US military troops, kabilang ang nasa Kuwait kung saan nagsisilbi si Marzan.
