BFP chief, kinasuhan dahil sa umano’y ambulance kickbacks

Nasampahan ng kriminal at administrative case ang Bureau of Fire Protection (BFP) Chief na si Jesus Fernandez at si Rose Verna Sangga kaugnay ng anomalya sa procurement ng mga ambulansya noong 2024.

Ayon sa ulat, tinanggap umano ni Fernandez ang ₱14.752 milyon kickback mula sa isang joint venture sa pagitan ng noo’y Bids and Awards Committee Chair at ng Auto Zone Prime Distributors Inc., sa katauhan ni Sangga, sa Quezon City.

Sinabi ni Assistant Secretary for Local Government Atty. Jesi Howard Lanete na kinasuhan nila ang dalawa matapos magkaroon ng ilegal na kasunduan. Humiling din ang DILG sa Ombudsman na isailalim si Fernandez sa preventive suspension habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ayon kay Interior Sec. Jonvic Remulla, kabilang din si Fernandez sa anomalya sa procurement ng mga firetrucks, at lumalabas na isa nang kultura ng korapsyon sa BFP.

May mga larawan at video na nagpapatunay sa pagtanggap ng pera ni Fernandez para sa procurement ng ambulansya.

Kasama rin sa iniimbestigahan ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee, na inilagay bilang John Does at Jane Does. Sa kabila ng kasong kinakaharap, tuloy pa rin si Fernandez sa pagpasok sa opisina at sa mga aktibidad ng BFP, kabilang ang parada ng Fire Prevention Month.

Ani Remulla, maglalabas ang ahensya ng mga pangalang kwalipikadong papalit kay Fernandez sa mga susunod na araw. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *