Justin Trudeau nagbigay ng farewell speech bilang Prime Minister ng Canada

Emosyonal na nagpaalam si Prime Minister Justin Trudeau sa isang Liberal Party conference noong Linggo. Matapos ang halos siyam na taon sa pwesto, nagbitiw siya noong Enero 6 dahil sa pagbagsak ng kanyang popularidad dulot ng lumalalang ekonomiya at kawalan ng tiwala ng kanyang sariling partido.
Sa kabila ng matinding kritisismo, mainit siyang sinalubong ng kanyang mga tagasuporta sa huling talumpati niya, kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagmamalaki sa mga nagawa niya. Binalaan din niya ang partido na kailangang-kailangan sila ng Canada ngayon, lalo na sa banta ng global na krisis at posibleng epekto ng muling panunungkulan ni Donald Trump sa ekonomiya ng bansa.
Sa Linggo ng gabi, iaanunsyo ang papalit kay Trudeau. Malakas ang tsansa ni dating Bank of Canada Governor Mark Carney na maging bagong lider ng Liberal Party at Prime Minister ng Canada. Samantala, maaaring magdaos ng eleksyon bago o sa Oktubre 20 kung ipapatawag ito ng bagong lider o kung pababagsakin ng oposisyon ang gobyerno sa isang no-confidence vote ngayong buwan. | via Allan Ortega | Photo via Sean Kilpatrick/AP

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *