Malalaking sindikato sa likod ng illegal-gun-for-sale, tiniyak na bubuwagin – PNP

Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Pambansang Pulisya laban sa mga loose firearm na maaaring gamitin sa mga kriminalidad sa bansa.

Ito’y makaraang maaresto ang dalawang dayuhan na nagbebenta ng mga hindi dokumentadong baril sa Pasay City nitong Pebrero a-bente singko.

Naaresto ang dalawang suspek na isang chinese at taiwanese national sa isinagawang buy bust operation ng CIDG Southern Metro Manila District Field Unit sa isang restawran sa Pasay City kung saan nakumpiska sa mga ito ang isang 9mm revolver, mga bala, buy bust money, cellphone at isang pouch bag.

Sinabi ni PNP Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na masusing sinusuri ng kanilang intelligence unit ang background ng dalawang dayuhan kung may kaugnayan at koneksyon ang mga ito sa malalaking sindikato na kumikilos sa Metro Manila at karatig-rehiyon.

Tiniyak din nito na kanilang lalansagin ang mga malalaking sindikato ng ilegal na baril at iba pang elementong kriminal na nag ooperate sa bansa.

Giit ng PNP Chief, walang pinipiling nasyonalidad ang batas, kung ang isang tao ay nagkasala, asahan na gagampanan ng PNP ang kanilang tungkulin na ipatupad ang batas. I via Allen Ibañez, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *